Galis ng aso: Ano Kaya Ang Mabisang Gamot sa Galis ng Aso?

Nangangamba ka ba para sa iyong aso dahil sa talamak na galis nito? Naghahanap ka ba ng solusyon o gamot na makapagpapagaling sa iyong tuta? Ang artikulong ito ay isinulat upang makapagbigay sa iyo ng kaalaman tungkol sa galis ng aso at kung ano ang mabisang gamot laban dito.

Ano ang sanhi ng galis ng aso?

Bago natin talakayin ang gamot sa galis ng iyong aso, alamin muna natin kung ano ba ang galis at kung bakit nagkakaroon ng galis ang iyong alaga.

Ang galis ay isang nakakahawang impeksiyon sa balat na nagaganap sa mga tao at iba pang mga hayop. Karaniwan ang galis sa mga aso. Dulot ito ng isang mikmik o napakaliit at pangkaraniwang hindi tuwirang nakikitang parasite. Ang galis ay isang uri ng kuto na naghuhukay at nagsisiksik sa balat na apektado nito. Ito ay nagdudulot ng matinding pangangati na kadalasan ay nauuwi sa pagsusugat ng balat dahil sa sobrang pagkamot. Ang sakit na ito ay maaaring mailipat mula sa mga bagay subalit pinaka madalas na naihahawa sa pamamagitan ng tuwirang pagdikit ng balat sa balat ng ibang nilalang, na may mas mataas na panganib kapag nagtagal ang pagdadampi ng mga balat.

Ang galis ay dulot ng kuto na tinatawag na Sarcoptes scabiei var hominis. Ito ay mga kutong sobrang liit na karaniwang makikita lamang gamit ang microscope. Isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng galis ng aso ay ang kapabayaan ng nagaalaga, kapag palaging madumi ang katawan ng aso, mas malakas ang chance nitong dapuan ng galis. Ngayong malinaw na saiyo kung ano ang galis at kung ano ang sanhi nito, alamin naman natin kung ano ang mabisang gamot o treatment laban dito.

Gamot sa galis ng aso: Ano ang gamot sa asong may galis?

Ano ba ang gamot sa asong may galis? Ayon sa mga beterinaryo, maraming mabisang gamot laban sa galis ng aso. Mayroong mga pinapahid na kagaya ng cream, sabon na pampaligo, at mayroon rin namang gamot sa galis na injectables. Ano ano ba ang mga gamot na ito na sinasabi ng mga beterinaryo? Narito ang ilang sa mga sumusunod:

  • Mange soap – Isa itong sabon na mabisang gamot sa galis ng aso. Gamitin ito sa pagpaligo ng aso araw-araw para sa mas mabilis na magandang resulta. Ang mange soap ay nabibili sa mga veterinary shop sa halagang 50 pesos pataas.
  • Dectomax injectable – Isang uri ng injectable para sa asong may galis. Mabisa at mayroong agarang magandang resulta simula pa lamang sa unang pag inject. Para sa dosage ng dectomax, mas makakabuti ang pagkonsulta sa isang beterinaryo para makaiwas sa overdose. Ang pag-inject sa aso na sobra ang dosage ay maaaring maging sanhi ng pagkabaog o pagkamatay nito.
  • Ivermectin (ivomec) – Isang uri rin ng injectable para sa asong may galis. Mabisa ang ivermectin sa asong may galis at natatanggal rin nito ang mga bulate sa tiyan ng aso, at ang iba pang internal parasites. Magkonsulta sa isang beterinaryo para sa tamang dosage ng gamot.
  • Neguvon – Ang neguvon ay isang uri ng soluble powder na mabisang gamot sa galis ng iyong alagang aso. Tunawin ang neguvon soluble powder sa isang malinis na tubig at gawin itong pang banlaw sa pagpaligo ng aso.

Galis ng aso treatment

Habang dumadaan sa medikasyon ang iyong alagang aso para puksain ang galis nito, mayroon akong mga karagdagang tip upang mas mapabilis ang pagaling ng iyong alaga. Mag patuloy lamang sa pagbabasa at sundin ang mga sumusunod na tip na ito:

  • Alamin kung saan galing ang galis na nakuha niya, ito ba ay nakuha niya sa pagkain? O baka naman sa kanyang higaan at tulugan?
  • Linisin ng mabuti ang kulungan ng iyong aso. Buhusan ng tubig na mayroong sabon at mas mainam rin kung bubuhusan ito ng kumukulong tubig. Ang pagbuhos ng kumukulong tubig ay makakatulong sa pagpatay ng mga kuto na nasa loob ng kanyang kulungan.
  • Kung gumagamit ka ng tali para sa iyong aso ay palitan at itapon ito. Bumili na lamang ng bagong tali para sa iyong alaga.
  • Huwag hahayaang matulog ang iyong aso sa sahig. Ang sementong sahig na mamasamasa ay paboritong pamugaran ng mga kuto na maaaring malipat sa iyong aso.
  • Kung mayroong mga damit ang iyong aso, labhan ito at buhusan ng kumukulong tubig. Ibilad sa matinding sikat ng araw bago muling ipasuot sa iyong alaga.
  • Bigyan ng tamang pagkain o food diet ang iyong alagang aso.
  • Iwasang ma stress ang iyong alaga. Ipasyal ito at sanayin sa exercise araw-araw para lumakas ang resistensya at hindi na muling dapuan pa ng galis.

Gamot sa galis ng tuta

Naghahanap ka ba ng safe at epektibong gamot para sa iyong alagang tuta? Natatakot ka bang gumamit ng isang gamot dahil sa nangangamba ka sa puwedeng side effect na dala nito? Isa sa pinaka epektibong paraan ng pagamot sa galis ng tuta ay ang paggamit ng alkampor. Ito ay maliliit na mga bola ng kimikal na panlaban sa salot o peste at pabango o deodorante. Dikdikin lamang ng pino ang bola ng alkampor at ibudbod ito ng maayos sa balat ng iyong alagang tuta. Ang paraang ito ay epektibo simula pa noon. Iwasan lamang na malanghap ng direkta ng iyong tuta ang pulbos ng alkampor dahil maaari itong makasama sa kanya.

Halamang gamot sa galis ng aso

Masakit sa kalooban kapag nakikita mong pinapahirapan ng galis ang iyong alaga. Kaya natural lamang para sa isang amo ang maghanap at sumubok ng iba’t ibang solusyon para dito. Isang paraan ay ang halamang gamot sa galis ng aso. Ano ba ang mabisang halamang gamot para dito?

  • Magtadtad ng isang metrong haba ng makabuhay at pakuluan ito sa isang galong tubig sa loob ng 15 minuto. Pagkatapos ng pagkulo, dagdagan ito ng sapat na tubig upang mawala ang init. Gawin itong pambanlaw sa pagpaligo sa iyong alagang aso.
  • Pakuluan ang isang tasa ng tinadtad na mga sariwang dahon ng kalatsutsi at isang maliit na sanga sa kalahating tasang langis ng niyog sa loob ng 5 minuto. Ipahid ito ng maayos sa balat ng aso pagkatapos nitong maligo.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Galis ng aso: Ano Kaya Ang Mabisang Gamot sa Galis ng Aso?
5 (100%) 1 vote

KATULAD NA MGA ARTIKULO